Pages - Menu

Thursday, May 5, 2011

Bulutong Kid

Bihirang bihira akong makiuso sa kung anu-anong pautot tuwing summer. Tulad ng pagta-tattoo ng henna, pagpapakalbo at iba pa. Isang beses natripan kong magpakulay ng buhok, noong nakaraang taon ata 'yun. Sakto lang, medyo hindi bagay. Gusto ko sanang magpakalbo rin para presko pero sigurado namang hindi bagay kaya 'wag na lang. Tsaka na lang siguro kapag naging macho na ako. Bukod sa mga halo-halo, mais con yelo at mga isaw na nagsusulputan tuwing summer, wala na akong matandaan na kinahumalingan ko. Uso rin nga pala ang mga sakit tuwing tag-init. Bukod sa katamarang maligo, sore eyes pa lang ang sakit na dumapo sa'ken. At sa hindi inaasahang pagkakataon, ngayong taon ay dinapuan ako ng bulutong. Summer na summer tuloy sa mukha ko. Sa sobrang init, daig pa ang pinagsabugan ng bulkan.

Tinadhana siguro talaga na magkabulutong ako. Isipin mo naman, halos hindi ko naman nadikitan 'yung pinsan kong may bulutong noong mahal na araw. Nag-ewwww lang ako tapos nahawa agad ako. Totoo nga siguro 'yung kasabihan na kapag para talaga sa'yo ang isang bagay, magkakaron ka kahit hindi mo hingin. Sa pagkakataong ito, bakit bulutong pa? Pwede namang kamera, psp, iPhone o kaya laptop.

Wala namang problema sa pagkakaroon ng bulutong. Isa hanggang dalawang linggo ka lang naman magtatago sa bahay. Papanget ka lang. Magkakapeklat sa mukha. Kahit ikaw mandidiri sa sarili mo. At higit sa lahat, lalayuan ka ng tao. Bonus na rin ang pagkakaron ng putok dahil bawal kang maligo lalo kapag matindi ang tama sa'yo ng bulutong mo. Oo pre, sobrang baho ng kilikili ko ngayon. Parang patay na daga. Parang sampalok na may halong suka at medyas. Mabaho talaga. Kahit ako tinatakwil ko ang amoy ng kilikili ko. Nanay ko nga, nagreklamo na kanina.

Ang pinakamahirap na naging parte sa pagkakaroon ko ng bulutong ay noong kailangan kong umuwi dito sa Rizal. Sa Mandaluyong na kasi nagsulputan ang mga alaga ko. Sobrang init ng panahon noon, wala akong pagpipilian ku'ndi mag-jeep. Sa halos higit tatlong oras kong byahe, nakatakip ng panyo ang mukha ko at nakatago ang identity ko sa shades. Respeto ko na lang sa sarili ko. Dahil oras na malaman ng mga katabi ko sa jeep na may bulutong ako, sigurado maglalayuan ang mga kasakay ko. Pasakit din noong nakaramdam ako ng gutom. Gustong gusto kong mag-Jollibee pero tinamaan ako ng hiya. Hindi ko kayang iharap ang mukha ko sa kahera. Tiniis ko na lang ang gutom at pumunta na sa terminal, kaysa naman ang pandirihan.

Sobrang lungkot ng araw na 'yun. Tirik na tirik pa ang araw. Bukod sa pawis na naglalabasan sa katawan ko, parang gusto ko ring maluha. Alam kong napakasimpleng bagay lang nun, pero kung ikaw ang nasa katayuan ko noong araw na 'yun, maiintindihan mo ang sinasabi ko. Awang awa ako sa sarili ko!

Ang laking perwisyo ng bulutong na 'to sa mga aktibidad ko sa pang-araw-araw. Ang daming lakad ang hindi ko nasipot. Ang daming mahahalagang bagay ang hindi ko magawa.

Una: Hindi ako nakapunta sa kasal ng tropa kong si Prince William. Naiintindihan naman daw n'ya ang kalagayan ko. Okay na rin daw 'yun, kesa naman mahawa pa si Queen Elizabeth II na dilaw pala ang paboritong kulay.

Pangalawa: Maging ang beatification ng mahal na dating Santo Papa John Paul II ay hindi ko rin nasilip sa Vatican. Kung nagpunta siguro ako dun baka ngayon magaling na ang bulutong ko.

Pangatlo: Hindi ako nakapagpa-cute sa Championship game ng baranggay namin sa liga dito sa bayan namin. Unang beses ko pa naman sanang maglalaro sa Finals. Sayang ang exposure. Sa bench.

Pang-apat: Ang darating na laban ni PacMan. Hindi na naman ako makakapunta. Kung kailan naman handa na ang lahat, oh. Hindi ko tuloy masasamahan si Pareng Chavit Singson sa pagpapacute sa kamera kasama ng iba pang mga pulitiko na ang hilig gumastos ng kaban ng bayan sa paglalakwatsa sa Las Vegas.

At ang pinakamahalaga sa lahat. Dahil sa bulutong ko, hindi ko pa naaayos lahat ng dapat ayusin para sa darating na graduation ko. Sana lang umabot pa ako. Kapag umabot lahat ng requirements ko, pictorial na lang para sa graduation ang problema ko. Sana umayos na ang mukha ko. Minsan lang 'to, dapat maging pogi ako sa araw na 'yun.

NBA Finals na lang mapupuntahan kong event paggaling ng bulutong ko. Konting hintay na lang, gagaling na ang bulutong ko. Kailangan ko na lang malampasan ang matinding pangangati ng natutuyong mga sugat. Kailangang tiisin na hindi kamutin para maiwasan ang mga peklat. Parang puro balakubak ang ulo ko, ang daming langib galing sa natuyong mga bulutong. Matatapos din 'to.

Napakagandang buwan sana sa'ken ng Mayo. Graduation at birthday pa naman. Nauna lang ang regalong bulutong.

13 comments:

  1. waaahhh...kawawa ka naman. pwede nmn sigurong maligo para presko. :)

    Congrats! tapos na din ang buhay estudyante.

    ReplyDelete
  2. whahaha ikaw na ang di nakapunta sa kasal ng tropa mong prinsipe hehe...
    ok lang yan buti nga summer ka ngkaroon di yung may pasok di ba?

    ReplyDelete
  3. Okay lang yan pareng Goyo, pagaling ka! napagdaanan ko rin yan kaya naintindihan kita!

    ReplyDelete
  4. Aww.. marami na akong narinig na horror stories sa bulutong, ako kasi hindi pa nagkakaroon at sana wag nang magkaroon... naimagine ko lang yung hirap na dinanas mo sa jeep... tsk tsk tsk.... buti pagaling ka na.

    ReplyDelete
  5. saklap nga nyan.. malaking perwisyo yan sa buhay.. dapat sa me mga bulutong sinusunog ng buhay ng di na mkahawa pa.. wahehe joke!

    sobrang inet pa naman ngayon..

    pagaling ka ser :)

    ReplyDelete
  6. ang hirap nga nyan, buti na lang elementary ako nung nagkaruon ako ng bulutong :D

    Gusto mo bang manalo ng 50?

    ReplyDelete
  7. Goyo bro! Enjoy your bulutong days! sarap manood ng funny movies-read ng nice books/blogs-listen to inspiring music-watch the sunset/sunrise-write your dreams/plans for the next 50yrs-etc-etc ako din dati ang lungkut-lungkot me lagnat pa marami pa bawal kainin hmmm God Bless, friend :) That too will pass ok?

    ReplyDelete
  8. Buti na lang nagka bulutong na ako before hehehe...pagaling ka dude!
    Sayang andami mo tuloy namiss...lalo na yung bench exposure mo LOLZ...

    Yung regalo ko naipadala ko na hehehe...

    ReplyDelete
  9. darating din ung greeting mo. hehehe. sa weekends na lang. :D

    ReplyDelete
  10. Ganda ng title parang super hero lang..Bulutong Kid..hehehe..Get well Goyo andami mo tuloy namiss. Ganyan din pakiramdam ko dati buti na lang walang bakas ng pagka polkadots kaya huwag kamutin para kahit papano makinis ka pa din.

    Sa kasal ka na lang ni prince Harry umattend;)Panigurado invited ka pa din naman dun.

    Congrats din at tapos na ang isang chapter sa buhay mo at goodluck naman para sa panibagong chapter nito.

    Salamat sa pagfollow=))GET WELL!

    ReplyDelete
  11. sana gumaling ka na at maasikaso mo na ang requirements sa school.

    bawal din ba magpunas ng bimpong basa sa may bulutong?

    ang alam ko may parang ipampapaligo ka pa sa bulutong para mawala mga spots/marks na dulot nian.

    ReplyDelete
  12. kawawa ka naman....sayang at di ka nakadalo sa mga celebrations...ikaw na ang may bulutong! hahaha!

    oo naiintindihan kita...pero yung nangangamoy na kilikili siguro mas matitiis ko pa amoy mo kesa sa mga itik at patan dito! hahaha

    ReplyDelete
  13. Aw... Buti nalang, nung 3rd year high school pa ako nagkabulutong. Hehe. Goodluck sa mga peklat na iiwanan niyan! Haha!

    ReplyDelete