Pages - Menu

Saturday, December 31, 2011

Parang bote, at para sa mga bote.

Alam kong may kasabihang "Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay blah blah", pero kasi masyado ng luma kung magbabalik tanaw pa ako dito sa blog ko na ako ang hari at mayabang. Sus, pwede ko namang sabihin na tinatamad lang talaga ako at sigurado namang hindi kakasya lahat ng dabest at olats sa 2011 ko sa kapirasong lugar tulad nito. Masyado na ring gasgas ang mga "New Year's Resolution" na madalas naman talagang hindi natutupad, kaya matindihang "pagpaplano na lang ng mga bagay" ang gagawin ko kahit mukhang pareho lang naman ata ang ibig sabihin ng dalawang 'yun.

Ngayon lang ako gagawa ng ganitong klaseng listahan sa boring na buhay ko. Sabihin na lang natin na gusto kong salubungin ang bagong taon ng may plano at planado. At kung nagtataka ka naman kung bakit tuwing New Year lang naiisipan ng mga tao na magbago, wala kang kasing tanga at sagad ang pagmamagaling mong hudas ka! Bagkus sana ay magpasalamat ka na lang na kahit papaano ay naiisipan ng mga tao na magbago. Hindi man matupad lahat, ang maganda ay sinubukan. Kung isang internet celeb ang nagsabi nito, malamang may screen shot pa 'to. Balik tayo sa listahan ng utang na sinasabi ko, heto na.

1. Numero uno sa listahan at karapat-dapat lang talagang unahin ay ang tuluyan ko ng paglisan sa buhay ng pagiging isang tambay. Wala ng dapat ipaliwanag pa. Sino ba namang normal na taong may hiya ang ayaw magkatrabaho at kumita kahit papa'no. Aktwali, kasama 'to sa pagiging isang ganap na tao.

2. Mahirap man, titiisin ko na talagang hindi kumain lagi ng marami. Medyo nasasaktan na rin kasi ako kapag sinasabihan akong mataba at bochog. Ayoko namang personalin ang mga bumabati ng ganun sa'ken para makaganti lang, mas panget 'yun at siguradong masasaktan din sila sa sasabihin ko. Ang mas magandang gawin, magpapayat na lang talaga at mabuhay ng may katawang parang si Derek Ramsey pero may buhok at mas gwapo.

3. Alam ko namang mahirap talagang iwasan ang pagtoma, pero kaya namang bawasan at limitahan. 'Yung posibleng mangyari lang muna, malayo rin kasi sa katotohan kung sasabihin kong tuwing may okasyon lang. Bale, siguro tuwing weekend lang without s para sakto na maaaring Byernes ng gabi, o Sabado ng gabi lang. Kasama pa rin 'to sa planong pagpapayat at oplan abs for summer, beybe.

4. Kakambal ng numero tres, pag-iwas at pagbabawas sa sigarilyo. Kalokohan din kasing sabihin na sa isang iglap, non-smoker peeps ka na. Magsisimula sa pagbabawas, paglimita sa ganitong bilang, hanggang sa kayanin ang isang istik bawat araw at kung papalarin, tuluyan ng maiwasan. Ang plano na 'to ay tipong tuluy-tuloy na uunti-untiing matupad at hindi paspasan, kaya hayup ka 'wag ka munang kumontra.

5. Mas maging mabuting tao pa. Alam kong palyado ako sa ilang aspeto ng buhay lalo sa pakikipagrelasyon at pakikitungo sa pamilya. Ang plano, maging responsable sa magiging mga desisyon at sasabihin. Pag-isipan ng ilang ulit at manatiling matatag sa kalalabasan.

6. Mas lalong maging mapagpahalaga sa mga tunay na kaibigan. Hindi ko rin maipaliwanag sa sarili ko kung bakit masyado na akong nagiging sensitibo lalo sa usaping pakikisama, pakikipagkapwa at 'yun nga, ang pakikipagkaibigan. Sa tuwing maaalala ko kasi na halos mapabayaan ko ang mga "tunay na kaibigan" ko, medyo may lungkot at panghihinayang. Maaaring maging suplado ang aura at dating sa internet pero 'di bale na! Basta maging maaasahan na tao sa tunay na mundo. So, keep in touch po mga mare at pare. Ganito talaga ata kapag tumatanda na.

7. Medyo personal ang isang 'to, pero sobrang importante talaga sa mga dating gwapings at crush ng bayan na tulad ko. Dumating kasi ako sa punto ng buhay ko na halos walang paki sa magiging hitsura. Kaya ngayon, simpleng plano lang naman na sisimulan sa pagligo araw-araw. Hanggang sa manganak na ng mga kasunod na gawain at mabuo ang suma-total na pagmamahal sa sarili. Sana naman sis at brad, nakuha mo.

8. Mas maging masiyahin pa, sige itodo na sa pagkamkam ng lahat ng positibong adjective na nag-eexist dito sa mundo. Siguro naman wala na akong nakalimutan.

9. Ang matupad ang lahat ng nakasulat sa itaas at hindi maging isang planong paulit-ulit na lang na pinaplano.

10. Maging mapagpasalamat sa mga bagay na meron ngayon, makakamtan pa sa hinaharap at mga magagandang pangyayari sa buhay. Salamat din sa inyo sa pagsama sa akin sa pagpatay ng oras dito sa blog ko. Nagsusulat ako para makapagpalipas ng oras, nagbabasa naman kayo para din pumatay ng 5 minuto o mas mababa pa kada post. Segway na natin 'to, dahil bagong taon naman, kung marami-rami ka pang oras d'yan, magpaputok ka naman sa freedom wall natin. Yebah!

Salubungin natin ang bagong taon ng positibo at may plano. Walang masama sa pagbabago. Masyado naman akong pa-cool kung hindi ko pa bibitawan ang mga salitang 'to, Happy New Year sa inyo! \m/

3 comments:

  1. happy new year!=D i hope matupad lahat ng plano mo maging ang mga plano kong gawin para sa taong ito..God bless you

    ReplyDelete
  2. Sana magka abs ka na ng parang kay Derek Ramsay at mas gwapo ka dun. Sabi mo.

    ReplyDelete
  3. Heypi new year Ser! Goodluck! Lalo na sa number 1 at shempre sa number 2=)

    ReplyDelete